5 indie films compete in ‘Sinag Maynila’ fest
LIMANG independent films ang maglalaban-laban sa darating na Sinag Maynila Film Festival na gaganapin mula sa Marso 18 hanggang 24 sa taong ito.
Ang Sinag Maynila ay ang kauna-unahang pestibal sa ating bansa para sa taong ito na magpapakita ng limang makabuhulang pelikula mula sa limang independent producers at directors.
Ito rin ang unang taon para sa festival organizers na kinabibilangan ng CEO at founder nito na si Wilson Tieng at ang world-renowned film director na si Brilliante Mendoza sa pakikipagtulungan sa pamunuan ng ShoeMart. Si Mendoza ang tatayong film director ng Sinag Maynila.
Sa ilang designated SM cinemas mapapanood ang limang de-kalidad na filmfest entries tulad ng “Balut Country,” “Bambanti,” “Imbisibol,” “Ninja Party” at “Swap” sa direksiyon naman nina Paul Sta. Ana, Zig Dulay, Lawrence Fajardo, Jim Libiran at Rempton Zuasola, respectively.
Katulad ng ibang independent film festival, ang layunin nito ay mabigyan pa ng mas malawak na oportunidad para mai-showcase ang kanilang trabaho, para mas lalo pang makilala at maging competitive.
Ayon nga kay direk Mendoza, “Mas maraming festivals, mas maraming pagkakataong makapaghatid ng marami pang kuwento, lalo na ang mga independent filmmakers.”
As early as now, pinupuri ni Tieng ang limang feature films.
Sa trailers na ipinakita sa amin noong press launch nito sa SM Aura sa Taguig, Metro Manila, kita namin ang iba’t ibang atake ng mga direktor lalo na sa mensahe na gusto nilang iparating sa mga manonood. May kanya-kanyang style pero, ang nangingibabaw ay ang layunin nilang makapaghandog ng isang de-kalidad na independent movie na, hopefully, ay tangkilikin din ng masang Pinoy sa box office.
Sa ngayon ay wala pa itong ratings mula sa MTRCB dahil ayon nga kay Tieng, wala pang ipapa-rate dahil wala pa naman silang pelikula (na tapos). Pero, kung anuman ang kanilang patakaran lalo na’t sa maseselang eksena, handa ang limang direktor na sundin kung ano ang mga ito.
Ilan sa mga artistang gaganap ng mahahalagang papel sa iba’t ibang entries ay sina Alessandra de Rossi, JM de Guzman, Rocco Nacino at marami pang iba.