NORA AUNOR DAY SA PELIKULA AT LIPUNAN 2006
Ipinagkakapuring ihandog ng National Commission for Culture and the Arts at ng Mowelfund Film Institute sa pakikipagtulungan ng ICON (International Circle of Online Noranians), GANAP (The Grand Alliance for Nora Aunor Philippines) at ng Federation of Nora Aunor Followers, Inc. ang NORA AUNOR DAY sa darating na Sabado, Pebrero 25, 2006, bilang bahagi ng Pelikula at Lipunan Film Festival 2006. Ang taunang Pelikula at Lipunan ay parte ng pagdiriwang ng National Arts Month tuwing buwan ng Pebrero at ang tema sa taong ito ay “AKTRES – A TRIBUTE TO MOVIE QUEENS.”
ARAW NG SUPERSTAR
Bembol, Nora at Christopher sa “Tatlong Taong Walang Diyos”
Sa nasabing Nora Aunor Day sa Pebrero 25, Sabado, magkakaroon ng screening ng dalawang pelikula ang nag-iisang Superstar ng pelikulang Pilipino sa Cinema 3 ng Gateway Cineplex 10 sa Araneta Center, Cubao, Quezon City. Sa araw na ito, ipalalabas ang klasikong “Tatlong Taong Walang Diyos” (1976) sa ganap na 6:00 PM at ang hindi makakalimutang “Bulaklak sa City Jail” (1984) sa 9:00 PM. Ang dalawang pelikulang ito ay idinirehe ng batikan at multi-media artist na si Mario O’Hara.
Bilang si Rosario sa Tatlong Taon, ang gurong naipit sa pag-ibig ng hapon na si Masugi at gerilyang si Crispin sa panahon ng ikalawang digmaang pangdaigdig, nakamit ni Nora ang kauna-unahang grandslam feat sa sa pagkakahirang niya bilang Best Actress sa FAMAS at Urian, ang tanging award-giving bodies nuong 1977. Sino naman ang makakalimot sa pagsilang ni Angela ng kaniyang sanggol sa loob ng isang kulungan sa Manila Zoo habang siya ay tinutugis ng mga pulis? Pinangaralan si Nora sa Bulaklak bilang Best Actress ng Metro Manila Film Festival, Catholic Mass Media Awards at FAMAS.
Ang ticket para sa bawa’t screening ay nagkakahalaga ng P 80.00. Bilang bahagi ng layunin ng ICON na ipahayag at patuloy na ipagbunyi sa bagong henerasyon ang sining ni Nora Aunor, ang mga estudyante at kabataan ay bibigyan ng discount.
GABI NG PARANGAL
Ang gabi ng Pebrero 25 ay magsisilbing Gabi ng Parangal din para sa kauna-unahang Icon Awards. Ang taunang award na ito ay iginagawad sa mga alagad ng sining at industriya bilang pagpupugay sa kanilang naiambag para sa ikauunlad nito. Para sa taong ito, ang Icon Awards ay ibibigay sa mga supporting actresses na nakasama sa pelikula ni Nora Aunor sa pelikula. Ang mga actress na ito ay maituturing nating mga movie queens din in their own right. Kasama sa mga nominado sina Perla Bautista (Minsa’y Isang Gamu-gamo, Bilangin ang Bituin sa Langit, Bulaklak sa City Jail), Marissa Delgado (Bona, I Can’t Stop Loving You, Ang Totoong Buhay ni Pacita M), Bella Flores (Tatlong Ina, Isang Anak, Atsay, Palengke Queen), Anita Linda (Bakit Bughaw ang Langit, T-Bird at Ako, Batu-bato sa Langit), Caridad Sanchez (Sidhi, I Love You Mama, I Love You Papa, Flor Contemplacion Story) at Gloria Sevilla ( Nasaan Ka Inay, Banaue, Bakya Mo Neneng).
Bibigyang parangal din bilang Natatanging Noranian si Nanay Ester ng Federation of Nora Aunor Followers na siyang tinatayang oldest living Noranian sa gulang na higit sa siyamnapu.
Ang Gabi ng Parangal ay idaraos sa ganap na 8:00 PM sa pagitan ng dalawang screenings. Ito ay pangungunahan ni Ms. Dolly Ann Carvajal bilang host. Magbibigay din ng mga espesyal na production numbers sina Teri Onor at Lady Guy. Ang mga trophies para sa okasyon na ito ay iniambag ni Antonio Flores ng ICON-Canada.
WORLD CINEMA ACTRESS
Sa lobby naman ng nasabing sinehan, magkakaroon ng isang one-day exhibit na pinamagatang Nora Aunor: World Cinema Actress. Ang exhibit ay nakatuon sa mga pelikulang nagbigay ng karangalan kay Nora Aunor sa ibang bansa katulad ng “The Flor Contemplacion Story” (Best Actress, Cairo International Film Festival), “Bakit May Kahapon Pa?” (Best Actress, Penang International Film Festival) at “Naglalayag” (Best Actress, Brussels International Film Festival).
Tunay ngang karapat-dapat bigyan ng parangal ng Pelikula at Lipunan si Ms. Nora Aunor sa pamamagitan ng isang espesyal na araw dahil sa malaking naiambag nito sa industriya ng pelikulang Pilipino. Sa kabila ng mga personal na problemang kinahaharap nito sa kasalukuyan, hindi matatawaran o mapapantayan man lamang ang pamamayani nito bilang isang movie queen sa loob halos ng apat na dekada dahil sa kaniyang talento sa pag-arte sa pelikula man, telebisyon o entablado gayundin sa taglay niyang Golden Voice pag-awit. At bilang isa sa mga Centennial Awardees for the Arts at most-internationally awarded Filipino actress, oras na upang itanghal na National Artist si Ms. Nora Aunor, kasama ni Fernando Poe Jr. at Dolphy.