MOTHER LILY TODO SUPORTA SA FILM PRESERVATION
Ipinahayag ni Mother Lily ng Regal Films kamakailan ang kanyang suporta sa pagtataguyod ng film preservation sa Pilipinas. Sa pakikipagtulungan ng SOFIA (Samahan Ng Mga Filipinong Arkivista Para Sa Pelikula, Inc.) na pinamumunuan ni Dr. Clodualdo del Mundo, Jr., nais ipahatid ni Mother Lily ang kahalagahan nito sa pamamagitan ng isang natatanging pagtatanghal ng pelikulang Summer Love ni direktor Elwood Perez sa darating na Hunyo 11 ika-6 ng gabi sa Cultural Center of the Philippines.
Ayon kay Mother Lily, “Bilang prodyuser, nauunawaan ko ang kahalagahan ng film preservation sa dahilang nakagawa ng pelikula sa Regal ang ilan sa mga pinakamahusay na direktor ng bansa tulad nina Ishmael Bernal at Joey Gosiengfiao, gayundin sina Lino Brocka at Peque Gallaga hanggang kina Mike de Leon at Elwood Perez. Nakakalungkot isiping hindi na muling mabibigyan ng pagkakataon ang bagong henerasyong mapanood ang mga pelikulang ginawa namin noong dekada ’70 at ’80.”
Si Mother Lily ang kauna-unahang prodyuser ng pelikula sa bansa ang nagpaabot ng suporta sa adhikain ng SOFIA upang maitaguyod ang film preservation.
Personal din nitong pinamamahalaan ang archive ng kanyang mga pelikula samantalang ang anak na si Roselle naman ang namumuno sa pagsasalin ng mga ito sa digital format.
Ang Summer Love ay kaisa-isang pelikulang nawawala sa Regal library nang masunog ang istudyo noong huling bahagi ng dekada ’80 hanggang sa matagpuan ng SOFIA ang kopya ng pelikula sa U-matic format noong nakaraang taon. Ngayon ay muling mabibigyan ng pagkakataon ang manonood na masaksihan ang pelikulang kinunan sa makasaysayang lungsod ng Taal, Batangas na siyang nagbigay daan sa mga pelikulang pang-kabataan at nagpasimuno sa pinakamainit na tambalan ng dekada ’80: Sina Snooky at Gabby Concepcion at sina Maricel Soriano at William Martinez. Nang minsang bumisita si Mother Lily sa set ng pelikula ay nagustuhan niya ang lugar na siyang nagtulak sa kanya upang bumili ng ari-arian hanggang sa maitayo ang Imperial Resort. Itinanghal siyang anak ng Taal at nitong nagdaang Abril ay pinamunuan ang kauna-unahang pista ng El Pasuba. Maliban sa Taal, itinampok din sa pelikulang Summer Love ang La Union at Baguio na madalas pasyalan sa tuwing sisbol ang tag-araw.
Ang pagsasanib puwersang ito ng Regal Films at SOFIA ang magbibigay daan upang maipaabot ang importansiya ng film preservation sa bansa na magsisilbing salamin sa yaman ng kulturang Pilipino.